Para kay Marcus, Raimund, Buddy at Ely,
Hindi ninyo ako kilala at hindi tayo kailanman nagkita o pinakilala. Hayaan ninyong ako'y magpapakilala. Ako si Ted, isang masugid na tagahanga ng inyong banda. Hindi kalabisang sabihin ko dito na isa kayo sa kinikilala kong malaki ang impluwensya sa musikang pinipili kong pakinggan at sa mga Pilipinong bandang sinusundan.
Hindi pa kayo kasing sikat at kasing galing ay narinig ko na kayong tumugtog; sa mga gigs, maliit at malaki. At ako'y napahanga, unang una, sa tindi ng pag-unawa ninyo sa diwa, kaisipan at sikolohiya ng pangkaraniwang masang pilipino, at mas higit pa dito ang pangkaraniwang masang pilipinong estudyante. Maraming mas malupit tumugtog ng gitara, baho at tambol; mas maraming mas maganda ang boses. Ngunit, sadyang bukod tangi at di pangkaraniwan ang pagsasama ninyong apat dahil, unang una, sa lalim ng pagkakaibigan ninyo at, pangalawa, sa lalim at tingkad ng pag-unawa ninyo sa mga iniisip ng kapwa ninyong pilipinong estudyante at kabataan; sumunod na lamang ang pagiging bihasa sa pagkanta, pagitara, pagbaho at pagtambol.
Alam kong sasabihin ninyong hindi ninyo pinlano na maging "role model" at tingalain ng mga kabataan, at ng masang pilipinong naki kanta sa inyo mula pa noong 1989.
Ninanais nyo man o hindi, nung nag-umpisa kayo sa UP, naging modelo kayo para sa mga kabataan na ninanais lamang tumugtog, kumanta at ipadama ang saloobin sa lingwahe na natatangi at di-mapagkailang sariling sarili. Nasa plano nyo man o hindi, tiningala kayo ng mga kabataan, mga dati'y kabataan at, oo, ng masa. Silang bumili ng inyong mga plaka, kaset, cd at tumugtog, kumanta at nakimura sa sinensor na "Pare ko."
Kung hayaan ninyo akong magyabang ng bahagya, yan naman ang galing UP. Sa bawa't gawain, nagiging bukod-tangi. At, oo, kinikilala din kayo na bukod-tanging bandang peyups na peyups.
Ngayo'y magtitipon tipon uli kayo. Sa Agosto 30 daw. Ngunit, one night only at 45 minutes lang daw. At, ang malupit, ang isponsor ninyo ay ang gumagawa ng yosi--Marlboro, Philip Morris. At eto pa ang mas malupit, bawal ang pag-iisponsor nila sa inyo. Maniwala kayo, nagtanong ako sa abogado.
Alam ko namang hindi ko papel ang pigilan kayong tanggapin ang perang ibinigay na ng Marlboro at Philip Morris. Kung ako lang ang may pera, siguro higit pa sa diumano'y 2.5 Million bawa't isa ang ibabayad ko sa inyo (huwag kayong mag-alala sa BIR, may matitinik akong mga "tax lawyers" na kakilala); pero wala akong ganyang pera at hindi ko kayang pigilan ang pagsasama sama ninyo uli dahil sa "Marlboro country."
Isa na lamang ang pakiusap ko: maaari kayang kayong magsasama uli, BAGO mag Agosto 30, sa Sunken Garden ng UP Diliman; sana'y wala nang Marlboro, Fortune, Philip Morris o kung sinomang gumagawa ng yosi ang magpakana, sana'y sa inyo na lamang ang kusa. Tutal, sentenaryo ng Peyups sa 2008 at kulang pag wala kayo. Isang gabi lang ang pakiusap.
Sana'y magsasama uli kayo at muling kantahin ang mga dati nang naging themesong ng marami; baka maaaring kantahin uli ang "Pare Ko" kahit na may kasamang pagmumura, at baka maaaring matapos sa "UP Ang Galing Mo!" at sa "UP Naming Mahal" (na sana'y walang pagmumura).
Wala kaming maaaring ibayad sa inyo kundi ang aming taos-pusong pasasalamat na minsan sa taon ng sentenaryo ng Peyups ay nagsasama muli ang pinakadakila, pinakatanyag, pinakamalupit at pinakahinahangang Eraserheads--at hindi dahil sa sigarilyo.
Maraming salamat at lubos na gumagalang,
Ted
PS. Lubhang napakaganda ng kanta ninyong "Para sa Masa". Eto ang sinabi ninyo noon, nawa'y maging totoo uli ngayon:
Para sa Masa
Ito ay para sa mga masa
Sa lahat ng nawalan ng pag-asa
Sa lahat ng aming nakasama
Sa lahat ng hirap at pagdurusa
Na-aalala niyo pa ba
Binigyan namin kayo ng ligaya
Ilang taon na rin ang lumipas
Mga kulay ng mundo ay kumupas
Marami na rin ang mga pagbabago
Di maiiwasan 'pagkat tayo ay tao lamang
Mapapatawad mo ba ako
Kung hindi ko sinunod ang gusto mo
La la la la, la la la la....
La la la la, la la la...
La la la la, la la la la....
La la la la, la la la...
Pinilit kong iahon ka
Ngunit ayaw mo namang sumama
Ito ay para sa mga masa
Sa lahat ng binaon ng sistema
Sa lahat ng aming nakabarkada
Sa lahat ng mahilig sa labsong at drama
Sa lahat ng di marunong bumasa
Sa lahat ng may problema sa skwela
Sa lahat ng fans ni Sharon Cuneta
Sa lahat ng may problema sa pera
Sa lahat ng masa (sa lahat ng masa)
Sa lahat ng masa (sa lahat ng masa)
Sa lahat ng masa (sa lahat ng masa)
Sa lahat ng masa (sa lahat ng masa)
Huwag mong hayaang ganito
Bigyan ang sarili ng respeto
La la la la, la la la la...
La la la la, la la la...